SOMETHING IS FISHY
Ito ang pahayag ni Palace Press Officer at PCO Usec. Atty. Claire Castro, kaugnay ng posibleng motibo ng ilang indibidwal, sa pagdawit sa pangalan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kaugnay ng umanong P805 billion kickbacks.
Sa press briefing sa Malacañang, tinawag ni Castro si dating Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor, “the known wonder boy” dahil marami umano sa kanyang talumpati ang naghihikayat sa mga Pilipino, na tanggalin sa puwesto si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr..
Mistula ring inihambing ni Castro, ang posibleng motibo ng mga akusasyon at pahayag ni Defensor, sa kaso ni dating controversial senate witness na si Antonio Luis Marquez , a.k.a, “Ador Mawanay”, na kilala umanong napilit na gumawa ng pekeng salaysay.
Dagdag pa ng palace official, mayroon umano itong impormasyon na may isang operator sa administrasyon ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, ang nagtatrabaho, para lamang “mag-muddle” o guluhin ang mga umiiral na isyu.
Sa isang mensahe naman ni Defensor kay D8TV News patroller Judea Bernardo, sinagot nito ang mga paratang ni Castro, at sinabing ang problema sa organisado at sistematikong korapsyon ay hindi lamang ang laki ng ninakaw, kundi ang matinding kawalan ng malasakit sa paraan ng paggawa nito.
Inamin din ni Defensor na ang paglalantad ng katotohanan ay hindi naging madali, dahil aniya, kaakibat nito ang panganib, batikos, at kawalan ng katiyakan, ngunit nanaig ang kanilang konsensya at ang kanilang paninindigan na tuparin ang tungkulin para sa bayan. | via Judea Bernardo, D8TV News
