Ngayong araw, huwebes, ala-singko y medya ng hapon, oras sa Pilipinas, ang ikatlong yugto ng confirmation of charges hearing sa kasong crimes against humanity laban kay Rodrigo Duterte sa harap ng International Criminal Court.
Sa pagkakataong ito, inaasahang titindig naman ang panig ng dating pangulo, upang depensahan ang kanyang sarili, laban sa mga naunang argumento na inilatag ng ICC prosecution team.
Sa unang dalawang araw ng pagdinig, naihain na ng prosekuson ang kanilang mga argumento upang patunayan na may sapat na batayan para paniwalaang responsable si Duterte sa libo-libong pagpatay na iniuugnay sa kanyang kampanya kontra ilegal na droga.
Inaasahan pa ring hindi dadalo ang dating pangulo, sa mga susunod pang sesyon matapos pagbigyan ng hukuman ang kanyang kahilingan na ma-excuse sa hearing.
Layunin ng pagdinig na tukuyin kung may sapat na ebidensya upang umusad ang kaso sa paglilitis. hindi ito paghatol kung siya ay may sala o wala. may hanggang animnapung araw ang mga hukom matapos ang pagdinig upang ilabas ang kanilang desisyon.
