Pumabor ang Malacañang sa pahayag ni Vice President Sara Duterte na hindi lahat ng Cabinet secretaries sa ilalim ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay competent, ngunit ginamit ang sariling termino ni Duterte bilang halimbawa.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Usec. at Palace Press Officer Atty. Claire Castro, tila tama ang pahayag ni Duterte dahil bilang secretary ng Kagawaran ng Edukasyon noon naitalaga umano ito ng Pangulo, at pinagkatiwalaan subalit bandang huli aniya’y aamin na walang kalam-alam sa pagiging kalihim.
Idinagdag ni Castro na totoo na hindi lahat ng itinalagang secretary ng Pangulo ay mahusay, kasabay nang pagpuna kay Duterte sa umano’y mga iregularidad noong pinamunuan nito ang Department of Education, kabilang ang ghost students, ghost vouchers, ghost food packs, ghost laptops, at ghost school materials.
Ani Castro, ang mga problemang ito ay dapat ayusin at hindi ituro sa Pangulo. Bagay na nililinis na aniya ng kasalukuyang DepEd secretary na si Sonny Angara.
“Doon pa lamang po sa mga ghost projects ng Bise Presidente noong siya ay DepEd secretary, huwag niyang ipahid kay Pangulo,” ani Castro, “at ang mga kalat na ito ay ngayon winawalis at nililinis ni Secretary Sonny Angara ng DepEd.” dagdag nito. | via Joana Luna, D8TV News
