Evolution ng Davao Death Squad, inilahad sa ICC

Mula Davao Death Squad hanggang Operation Tokhang, ganito isinalarawan ng prosekusyon ang pagkakasangkot ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga patayan kaugnay sa war on drugs.

Sa confirmation of charges hearing sa International Criminal Court kagabi, inilahad ng mga abogado ng mga biktima kung paano pinamunuan umano ng dating Pangulo ang sistematikong patayan.

Ayon kay ICC Deputy Prosecutor Mame Mandiaye Niang, may mga insider witness sila gaya ng dating miyembro ng Davao Death Squad at ilang pulis na naglantad ng umano’y chain of command noong alkalde pa lamang si Duterte.

Wala umanong malaking operasyon ang maisasagawa nang walang direktang “go signal” mula sa itaas at ang final clearance mula mismo sa alkalde.

Inilahad naman ni Senior Trial Lawyer Julian Nicholls na may malinaw na istruktura mula sa dating Pangulo, pababa sa mga matataas na opisyal, handlers, hanggang sa mga gunman na binubuo umano ng mga pulis at sibilyang binabayaran.

Dagdag pa ng prosekusyon, nang maging Pangulo si Duterte, nagkaroon umano ng “cash per head” system kung saan may pabuya, promosyon, at gantimpala kapalit ng bawat napapatay.

Magpapatuloy ang pre-trial hearing sa susunod na mga araw kung saan dedesisyunan ng mga hukom kung may sapat na ebidensiya para matuloy ang main trial ni Duterte. | via D8TV News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *