Paglipat sa trimester school calendar, panukala pa lamang – DepEd

Nilinaw ng Department of Education (DepEd) na panukala pa lamang at hindi pa pinal ang mungkahing paglilipat sa trimester school calendar.

Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ng DepEd na patuloy itong nagsasagawa ng mga konsultasyon at magpapatuloy pa sa mga susunod na araw, upang matiyak na maririnig, ang lahat ng pananaw.

Ayon pa sa ahensya, bibigyang-prayoridad nito ang mga repormang magpapalakas sa learning continuity at magpapabuti sa kalagayan ng mga mag-aaral at guro.

Layunin ng rekomendasyon na suportahan ang mas malawak na reporma sa edukasyon, kabilang ang pagpapasimple ng academic planning, mas mahusay na paggamit ng oras sa pagkatuto, at pagbawas ng workload ng mga guro.

Nauna nang sinabi ng DepEd na ang panukala ay naglalayong magbigay ng mas mahaba at mas flexible na instructional periods upang mapagaan ang trabaho ng mga guro at maisulong ang dekalidad na pagtuturo sa pamamagitan ng mas maayos na organisasyon ng academic year.

Sa ilalim ng mungkahi, ang 201 school days para sa School Year 2026–2027 ay hahatiin sa tatlong termino upang mas mapabuti ang pagitan ng mga aralin. | via Judea Bernardo, D8TV News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *