Pangilinan: Chinese embassy, dapat munang magpakita ng tunay na sinseridad, bago ang pakikipagdiyalogo.

Iginiit ni Pangilinan na kailangang magpakita muna ng sinseridad ang Chinese Embassy bago maisakatuparan ang anumang dayalogo nito sa Senado, lalo na’t mahiraop umanong pagkatiwalaan ng China.

Ayon kay Pangilinan, sa halos 20 taon niya sa serbisyo publiko at apat na termino bilang senador, ito ang kauna-unahang pagkakataon na naranasan niyang mayroong mga opisyal at institusyon ng pamahalaan na nababastos lamang ng isang dayuhang embahada.

Hindi rin ikinatuwa ni Pangilinan ang umano’y pagle-lecture ng Chinese Embassy sa mga mambabatas pagdating sa usapin ng diplomasya. Nilinaw naman niya na kapareho rin siya ng hangarin ng iba na hindi na lumala ang tensyon, subalit aniya, nakasalalay ito sa magiging tugon ng China sa mungkahing dayalogo.

Ito’y kasunod ng panawagan ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na magkaroon ng talakayan upang mapababa ang tensyon sa pagitan ng Chinese Embassy, at ilang mga senador, kasama na si Senate President Vicente Sotto III.

Nauna nang nilagdaan sa Senado ang Senate Resolution No. 256 na kumokondena sa mga pahayag ng Chinese Embassy sa mga opisyal ng Pilipinas, na inilarawan ni Chinese Embassy spokesperson Ji Lingpeng, na anti-china resolution.

Sinabi ni Ji na kung may Kalayaan ang mga opisyal ng Pilipinas na magpahayag ng kanilang saloobin ay may Kalayaan din aniya silang tumugon dahil ang diplomasya ay batay sa “reciprocity.”

Samantala, ayon naman sa Malacañang ang initiative sa pagpapahupa ng tension sa pagitan ng China at Pilipinas ay hindi dapat nagmumula sa iisang bansa lamang. | via Ghazi Sarip, D8TV News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *