Nakatakda ang ikatlong Trillion Peso March sa Pebrero 25, kasabay ng ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power, sa pagpapatuloy ng kampanya laban sa korapsiyon.
Ang tema ng portesta: “Tayo ang People Power Laban sa Korupsyon at Dinastiya — Noon, Ngayon, Bukas.”
Ayon kina Caritas Philippines Executive Director Fr. Carmelo Caluag at campaign convenor Kiko Aquino Dee tatalakayin sa programa ang paghahambing ng korapsyon noong panahon ng diktadura ni Ferdinand Marcos Sr. at sa kasalukuyan.
Nananatili umano ang mga parehong suliranin makalipas ang apat na dekada.
Isusulong din nila ang pagpasa ng Anti-Political Dynasty Law, isang panukalang isinama ni Pangulong Marcos sa mga prayoridad na batas.
Kasama sa panawagan ang pag-usig sa mga sangkot sa malalaking iskandalo, pagbawi ng ill-gotten wealth, hustisya para sa mga biktima ng human rights abuses, pagbuo ng truth commission, at pagtatanggol laban sa historical revisionism.
Magkakaroon ng prayer march mula EDSA Shrine hanggang Club Filipino sa umaga, at pangunahing programa sa People Power Monument sa hapon, na susundan ng banal na misa. Inaasahang gaganapin din ang mga kahalintulad na aktibidad sa mga diyosesis sa buong bansa.
