Kongresista, nanawagan ng imbestigasyon kaugnay sa kanselasyon ng permit sa patuloy na drilling ng Woggle Corp.

Nanawagan ang Kabataan Party-list ng agarang imbestigasyon ng Kamara at tuluyang pagkansela ng permit ng Woggle Corporation matapos umanong suwayin ng kumpanya ang suspension order ng Department of Environment and Natural Resources–Mines and Geosciences Bureau sa kanilang drilling operations sa Dupax del Norte, Nueva Vizcaya.

Ayon kay House Assistant Minority Leader at Kabataan Party-list Rep. Atty. Renee Co, patuloy pa rin ang pagbabarena ng Woggle Corp. sa lugar kahit may inilabas nang suspension order ang DENR-MGB noong Pebrero 5, 2025.

Batay sa ulat ng mga community watcher, hindi umano ipinaalam ng kumpanya sa mga residente at maging sa mga security personnel sa drilling site ang naturang suspension order.

Kinumpirma rin ng mga bidyo at larawang may petsa at oras na nagpapatuloy ang drilling operations hanggang nitong Pebrero 11, 2026.

Giit ni Rep. Co, malinaw na pagpapakita ito ng corporate impunity at pagwawalang-bahala sa batas at kapangyarihan ng pamahalaan.

Dagdag pa niya, dapat na umanong itigil kaagad ang lahat ng operasyon ng Woggle Corp. at tuluyan nang kanselahin ang permit nito upang maprotektahan ang kabundukan at kalikasan ng Nueva Vizcaya.

Nanawagan din si Rep. Co ng agarang pag-aksyon sa House Resolution No. 422 upang imbestigahan hindi lamang ang patuloy na operasyon ng Woggle Corp. kundi pati na rin ang mga umano’y paglabag sa karapatang pantao sa lugar. | via Judea Bernardo

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *