Nanawagan si Senate Blue Ribbon Committee Chairperson Sen. Ping Lacson kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na pumasok na sa trabaho dahil sa ilang buwan nang pagliban nito sa mga sesyon ng Senado.
Batay sa ulat, inihayag ni Lacson na pinadadaan pa nila kay Sen. Bong Go ang paghimok kay Bato na muli nang bumalik sa trabaho gayong pinabulaanan na ng International Criminal Court (ICC) na may umiiral na warrant of arrest laban dito.
Aniya, sayang ang sana’y kontribusyon ni Dela Rosa at malaking kawalan na maituturing ang hindi nito pagpasok dahil ito ang taga-pangulo ng Committee on Public Order and Safety at may hawak pang ibang komite.
Magugunitang iniuugnay ang pagliban ni Sen. Bato sa imbestigasyon ng ICC hinggil sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Kaugnay nito, bukas si Lacson sa panukalang “no work, no pay” para sa mga mambabatas ngunit kung opisyal na gawain ang dahilan ng pagliban ay dapat umano’y may sapat na paliwanag.
Dagdag pa nito, nauna nang binanggit ni dating Sen. Antonio Trillanes IV ang paghahain ng ethics complaint kung magpapatuloy ang pag-absent ni Dela Rosa habang nilinaw naman ni Lacson na hindi siya sasang-ayon sa usapin, dahil minsan na rin siyang nagtago noon. | via Ghazi Sarip
