Tinutulan ni Vice Mayor Maurice Philipp Albayda ng Kalayaan, Palawan ang maling pahayag na ang Kalayaan Island Group (KIG) ay wala sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas at dapat isuko.
Sa panayam ng D8TV News kay Albayda sinabi nitong nakalulungkot at nakakainis ang ganitong pahayag at hindi ito dapat paniwalaan.
Aniya, ang KIG ay hindi lamang simbolo ng dekorasyon kundi may tunay na tungkulin para sa Palawan at sa buong bansa.
Ipinaliwanag din ni Albayda na ang EEZ ay tumutukoy sa maritime zones ng bawat bansa alinsunod sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Hinimok niya ang mga residente na pagtuunan ng pansin ang mga isyu ng KIG at West Philippine Sea (WPS) kaysa maging pokus sa politika o idolatrya sa ilang politiko. | via Joana Luna
