Ipinag-utos ni Manila Mayor Isko Moreno ang imbestigasyon kaugnay sa nag-viral na pananakit ng dalawang security guard sa isang menor de edad.
Sa viral na video, makikitang salitang sinasaktan ng dalawang security guard ang isang 17-taong gulang na lalaki gabi ng February 8 habang pilit inaawat ng isang babae at iba pang mall goers.
Pasaway daw kasi ang lalaki na ayaw pasita sa pagbibisikleta sa kahabaan ng Pasig River Esplanade sa Manila.
Dagepensa ng mga guwardiya, hindi sumunod ang biktima kaya’t nagkaroon na ng pagtatalo. Dito na raw umiral ang bugso ng damdamin dahil pinagsalitaan sila nang hindi maganda ng lalaki.
Pero ayon sa alkalde, kung may mali man ang biktima, sana ay tumawag na lamang sila ng pulis.
Una na ring nagbabala ang Intramuros Administration na paiiralin nila ang zero tolerance laban sa anumang anyo ng karahasan o maling asal sa insidente.
Nasa proseso na rin daw sila ng termination sa kontrata ng ahensyang may hawak sa dalawang security guard.
Sa ngayon, nakatakdang sampahan ng paglabag sa Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act ang mga suspek. | via Alegria Galimba
