PNP, masusing iniimbestigahan ang hazing sa Basilan

Iginiit ng Philippine National Police (PNP) ang ‘zero tolerance’ tungkol sa lahat ng uri ng karahasan sa kanilang hanay, matapos ang insidente ng hazing sa welcome rites ng mga bagong pulis sa Lamitan City, Basilan.

129 na bagong pulis ang sumailalim sa tinaguriang ‘welcome rites’ nitong February 6 sa Regional Mobile Force Battalion headquarters sa Lamitan City, Basilan.

Inihayag ni PNP Spokesman Brig. Gen. Randulf Tuaño na mahigpit ang atas ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na zero tolerance ang hanay ng Pambansang Pulisya sa lahat ng uri ng karahasan o hazing sa mga training at reception rites.

“Zero tolerance din ang Philippine National Police kaugnay ng mga hazing sa mga training at sa mga welcome rites. Sinasabi ng ating Chief PNP na mananagot, kriminal at administratibo, ang lahat ng mapapatunayan na sangkot,” ani Tuaño.

Ilan sa mga bagong pulis na sumailalim sa welcome rites ay nagtamo ng iba’t ibang physical injuries.

“Ang injury nila ay mga physical. May mga hematoma, pananakit, suntok, sampal at iba pa,” dagdag pa ni Tuaño.

Sa ngayon, sinibak na sa pwesto ang 70 miyembro ng naturang unit kabilang na ang 12 non-commissioned officers na direktang sangkot sa isinagawang hazing rites sa mga bagong talagang pulis.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya kung may iba pang opisyal na sangkot sa naturang welcome rites. | via Allen Ibañez

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *