Inaprubahan ng House Committee on Justice ngayong February 9 ang panel report at resolusyon na tuluyang nagbasura sa mga impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Dalawa ang reklamong isinampa.
Ang una na inendorso ng Makabayan bloc ay nag-akusa sa pangulo ng umano’y paglalagay ng mga proyekto sa national budget na layong ilihis ang pondo patungo sa kaniyang mga kaalyado.
Habang ang ikalawa naman ay nakatuon sa alegasyong ang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at ang paglilipat sa kaniya sa International Criminal Court (ICC) ay maituturing na kidnapping.
Noong nakaraang linggo, ibinasura ng komite ang dalawang reklamo matapos pagbotohan na kapwa ito kulang sa sapat na substance upang umusad pa sa proseso ng impeachment.
Naganap ang pagdinig ng komite dalawang araw lamang matapos ihain ang dalawang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa ilalim ng Konstitusyon ng Pilipinas, kapag na-impeach ng House of Representatives ang isang opisyal, isinasailalim ito sa paglilitis ng Senado.
Kapag napatunayang nagkasala, maaaring humantong ito sa pagtanggal sa puwesto at habambuhay na pagbabawal sa paghawak ng anumang posisyong pampubliko. | via Judea Bernardo
