Alex Eala, nagtapos ang kampanya sa Abu Dhabi Open matapos matalo kay Alexandrova

Nagtapos ang kahanga-hangang kampanya ni Alex Eala sa Abu Dhabi Open matapos itong mabigo sa quarterfinals laban sa second seed at World No. 11 na si Ekaterina Alexandrova ng Russia, 6-3, 6-3.

Mabilis ang naging takbo ng laban, kung saan umabot pa sa apat na deuce ang unang game bago tuluyang nahawakan ni Alexandrova ang bentahe. Agad ipinakita ng 31-anyos na Russian ang lakas ng kanyang baseline game upang kontrolin ang unang set.

Nagpakita ng katatagan si Eala matapos muntik mapag-iwanan ng 0-3, nang mabasag niya ang serbisyo ng kalaban upang mapalapit ang iskor sa 1-2. Sa kabila ng suporta ng mga manonood at matinding palitan ng tira, nanatiling consistent si Alexandrova at isinara ang unang set, 6-3.

Bitbit ang momentum, nagkaroon agad ng kalamangan si Alexandrova sa ikalawang set, 3-1, at bagama’t patuloy na lumaban si Eala at umiwas sa mga madaling puntos, nanatiling kontrolado ng Russian ang laban hanggang tuluyang maisara ang set sa parehong iskor.

Sa pahayag matapos ang laban, pinuri ni Alexandrova ang atmospera at ang ipinakitang laban ni Eala.

Sa kabila ng pagkatalo sa singles, tututok naman si Eala sa women’s doubles, kung saan sasabak siya kasama si Janice Tjen sa quarterfinals laban kina Cristina Bucsa at Zhang Shuai.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *