4 na ang patay sa pananalasa ng Bagyong Basyang

Apat katao na ang naitalang patay habang tatlo ang sugatan, kaugnay sa pananalasa ng Tropical Storm Basyang, ayon yan sa Office of Civil Defense.

Ayon sa OCD, ang mga namatay ay pawang mga miyembro ng iisang pamilya matapos tamaan ng ng isang landslide sa Cagayan de Oro.

Tatlumpung libong katao sa Region 10 ang apektado ng sama ng panahon, habang nasa higit 100 libo ang sinalanta sa Caraga Region.

Samantala, Nanatili ang lakas ng Tropical Storm Basyang habang tinatahak nito ang malaking bahagi ng Visayas at Mindanao, ayon sa PAGASA.

May lakas si Basyang na 65 kilometers per hour, pagbugsong hanggang 90 kilometers per hour, at huling namataan malapit sa Jabonga, Agusan del Norte habang kumikilos pahilagang-kanluran.

Maraming lugar sa Visayas at Mindanao ang nasa ilalim pa rin ng Wind Signal No. 2, kaya inaasahan ang malalakas na hangin. Mas malawak na bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao naman ang nasa Signal No. 1.

Nagbabala rin ang PAGASA ng posibleng storm surge na aabot hanggang 2 metro sa ilang baybaying lugar sa loob ng 48 oras, lalo na sa mga mabababang komunidad.

May gale warning din sa silangan at gitnang karagatan ng Visayas at sa hilaga at silangang baybayin ng Mindanao.

Tinatayang mananatiling tropical storm si Basyang habang tumatawid sa Central at Western Visayas, pero pwede itong humina bilang tropical depression pagsapit ng Biyernes ng gabi o Sabado ng umaga. | via Allen Ibañez, D8TV news

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *