Sa kabila ng apela ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, kumpiyansa ang abogado ng mga biktima ng drug war na tuloy ang pre-trial hearing sa kasong crimes against humanity laban sa kanya sa International Criminal Court.
Ayon kay Atty. Kristina Conti, wala nang nakabinbing isyu na makakapagpaantala sa apat na araw na pagdinig na nakatakda sa The Hague.
Sinabi ni Conti na isinasaalang-alang ng korte ang kalusugan ni Duterte kaya pinaikli ang oras ng pagdinig tatlong oras lang bawat araw, na may mahahabang pahinga.
Maaari ring personal na dumalo si Duterte kung hindi niya iwa-waive ang kanyang pagharap.
Iginiit ni Conti na karapatan ng akusado na maunawaan at harapin ang mga paratang laban sa kanya.
Una nang umapela ang kampo ng dating Pangulo hinggil sa kanyang kalusugan pero sinunod ng ICC ang payo ng medical experts na “fit to stand trial” si Duterte.
