Matapos ang naging pagdinig ng House Committee on Justice kaugnay sa impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., haharapin naman ng komite ang kaparehong reklamo laban naman kay Vice President Sara Duterte.
Sa panayam ng D8TV News kay ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio, sinabi nito na may posibilidad na ikumpara ng publiko ang gagawing pagsusuri sa dalawang reklamo.
Ayon kay Tinio, “premature” o masyadong maaga ang naging dismissal ng impeachment complaint laban sa Pangulo.
“Ang nakita po natin ay kung paano kumilos ang mayorya para protektahan si Pangulong Marcos laban sa impeachment sa pamamagitan ng maaga o premature na dismissal ng impeachment complaint even though kung istriktong i-a-apply ang rules ay sufficient in substance ang complaint at dapat tumuloy tayo sa susunod na yugto,” ayon sa panayam kay Tinio sa programang Walang Bola, Puro Tama ng D8TV News.
Hindi umano kasi hinayaan ng Justice committee na malakay muna nang buo ang complaint.
Aniya, malinaw na hindi gustong panagutin ng mayorya ng mga miyembro ng komite ang Pangulo sa posibleng direktang koneksyon nito sa flood control scheme, partikular ang paglalagay ng allocables sa pondo ng Department of Public Works and Highways.
Dahil dito, maaaring ihalintulad ng publiko ang naging aksyon ng komite sa impeachment complaint ni Pangulong Marcos sa haharaping kaso ni VP Sara.
“Kung ang tingin nila, ‘Ay teka, halata namang pinatay na kaagad itong impeachment complaint. Hindi man lang pinaabot doon sa mga issue, hindi binigyan ng fair hearing ang mga allegation. Samantala, itong kabila naman, ‘yung isa naman, aba dito mukhang talagang pinalalawig nang husto,’ Edi baka sabihin ng publiko n’yan halatang partisan lang itong ginagawa ng House. Masisira po ang kredibilidad ng buong impeachment process,” dagdag pa ng kongresista.
Nitong Miyerkules, February 4, nang ideklarang insufficient in substance ang dalawang reklamong inihain laban kay Pangulong Marcos. | via Alegria Galimba
