Bilyon-bilyong halaga ng smuggled at pekeng produkto, nasabat sa Pampanga

Sinalakay ng pinagsanib na pwersa ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Customs (BOC), Bureau of Internal Revenue (BIR) at Department of the Interior and Local Government (DILG) ang isang warehouse na sa Mexico, Pampanga na gumagawa ng pekeng sigarilyo.

Naaresto sa operasyon noong January 28 ang anim na lalaking Chinese at na-rescue ang 65 Pilipino na hindi umano sinasahuran at nasa kaawa-awang kalagayan.

Personal na binisita nitong Huwebes, February 5 ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang lugar kung saan natuklasang may pagkukulang sa mga dokumento ang establisyimento at hindi nagbabayad ng buwis.

May tatlong makina ang warehouse na kayang gumawa ng ₱150 milyong halaga ng sigarilyo kada araw o ₱4.5 bilyon kada buwan.

Gumagamit sila ng pekeng BIR stamp na inilalagay sa mga pakete na ibinebenta sa mga sari-sari store.

Nasa kustodiya na ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group ang mga suspek na Chinese para sampahan ng kaukulang kaso.

Ayon kay Remulla, dalawang pulitiko mula sa Northern Luzon ang hinihinalang mastermind at financier ng malaking ilegal na pagawaan ng sigarilyo na Samyoung Global Corporation.

Mahaharap sa kasong agricultural smuggling, human trafficking at economic sabotage ang mga may-ari ng pabrika dahil sa mala-POGO na pagkulong at sapilitang pagtatrabaho ng higit 60 Pilipinong manggagawa sa warehouse.

Binigyang-diin ni Remulla na hindi titigil ang mga otoridad na sugpuin at arestuhin ang mga nasa likod ng illegal na aktibidad dito sa bansa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *