Bibigyan pa ng oras ng House Committee on Justice, ang mga miyembro nit, upang mapagdesisyunan kung “sufficient in substance” ba ang unang impeachment na inihain laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito’y matapos suspendihin ng House Justice Panel, ang ikalawang pagdinig ng komite, kaugnay ng katibayan ng impeachable grounds, sa inihaing reklamo ni Atty. Andre de Jesus, at inendorso ni Pusong Pinoy Party-list Rep. Jett Nisay laban sa pangulo.
Sa pagdinig ng komite, sinabi ni Justice Panel Chair Rep. Jinky Luistro na itutuloy bukas, February 4, ang botohan, upang mapag-aralan ng mga miyembro ng komite ang naging talakayan.
Ngayong araw, naging mahaba ang talakayan ng justice panel, kaugnay ng pagbusisi sa ilang grounds para sa isang impeachment complaint pa lamang.
Kabilang sa mga sinilip ng komite ay kung may sapat bang basehan ang mga alegasyong inilatag ni Atty. De Jesus, kabilang ang inaakusa nitong “graft and corruption” na nag-ugat sa umano’y pag-orchestrate ni Marcos sa General Appropriations Act, upang makakuha ng kickbacks; culpable violation of the constitution” na iniuugnay ni De Jesus sa insidente kung saan hinayaan umano ng Pangulong na maipadala sa isang international body si dating Pangulong Rodrigo Duterte upang doon litisin,
At betrayal of public trust, kung saan binuo naman umano ng Pangulo ang Independent Commission for Infrastructure (ICI), upang pagtakpan at protektahan ang mga kaalyado nitong puno’t dulo umano ng mga korapsyon sa bansa.
Sa kabila ng suspensyon, ilang miyembro na ng komite ang nagpahayag ng kanilang manifestation at sinabing “insufficient” ang ilang impeachable grounds na inihain ni Atty. De Jesus.
Kabilang dito si Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima, kung saan sinabi nitong “conclusions rather than factual allegations”, ang ilang grounds na ipinaparatang sa impeachment complaint. | via Judea Bernardo, D8TV News
