Nitong Lunes ng umaga, February 2, inihain ng Makabayan bloc sa Kamara ang bagong impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Pinangunahan nina Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago, ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio at Kabataan Party-list Rep. Renee Co ang paghahain ng complaint laban sa Pangalawang Pangulo.
Sinundan naman ito ng pagsasampa ng kaparehong reklamo ng grupo nina ML Party-list Rep. Leila de Lima at Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña.
Pormal naman itong tinanggap ni House Secretary General Atty. Cheloy Garafil.
Nag-ugat ang mga reklamo bunsod ng betrayal of public trust dahil pa rin sa umano’y maling paggamit ng confidential funds.
Ito ang kauna-unahang impeachment complaint na inihain laban kay VP Sara kasunod ng one-year bar rule ng Korte Suprema na magtatapos sa February 6.
Kung matatandaan, nitong January 29 ay pinagtibay ng Korte Suprema ang naunang desisyon nito na ideklarang unconstitutional ang inihaing reklamo sa bise presidente kaugnay sa umano’y maling paggamit ng confidential funds.
Samantala, sisimulan ngayong araw ang pagdinig ng House Committee on Justice sa impeachment complaint laban naman kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. | via Alegria Galimba
