Inihayag ni House Committee on Ethics and Privileges Chairman JC Abalos na nakatanggap ang komite ng maraming ethics complaints laban sa ilang mambabatas habang naka-break ang Kongreso ngunit hindi maaaring ilahad ang mga detalye dahil sa mahigpit na patakaran sa pagiging confidential ng mga kaso.
Ayon kay Abalos, hindi lamang iisang mambabatas ang tinutukoy sa mga reklamo at target ng komite na malinisan ang lahat ng nakabinbing kaso sa kanilang regular na pulong sa susunod na linggo.
Sinabi rin ni Abalos na bibigyan ng pagkakataon ang mga complainant na ayusin ang kanilang mga reklamo kung ito ay kulang o may depekto.
Pinaalalahanan din ng mambabatas ang media at publiko na ang mga ethics complaint ay itinuturing na confidential alinsunod sa mga patakaran ng Kamara at hindi maaaring talakayin hangga’t hindi ito dinadala sa plenaryo.
Nilinaw niya na maaari lamang magkaroon ng disclosure kapag ang usapin ay iniharap na sa plenaryo, gaya ng sponsorship speech o mga mosyong inaprubahan sa bukas na sesyon.
Nagbabala rin si Abalos laban sa tinatawag na trial by publicity, at iginiit na ang paglalantad ng ethics complaints sa labas ng tamang proseso ay maaari ring lumabag sa mga alituntunin ng Kamara.
Tiniyak ni Abalos na bukas ang komite sa pagtanggap ng mga reklamo at handa itong iproseso alinsunod sa umiiral na House rules.
Dagdag pa niya, igagalang ang karapatan ng parehong complainant at respondent habang tinatalakay at inaayos ng komite ang mga nakabinbing kaso alinsunod sa itinakdang proseso. | via Judea Bernardo
