Mga retiradong justice ng Korte Suprema, inimbitahan sa pagdinig laban sa political dynasty

Pormal nang sinimulan ng Kamara ang pagtalakay sa Anti-Political Dynasty Bill ngayong araw, Enero 27.

Inimbitahan ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang mga tanyag na eksperto sa batas, kabilang ang mga retiradong Chief Justice na sina Reynato Puno at Artemio Panganiban, upang matiyak na magiging matibay at naaayon sa Konstitusyon ang ipapasa nilang batas.

Layunin nitong bigyang-buhay ang nakasaad sa 1987 Constitution na nagbabawal sa mga political dynasty—isang obligasyong hindi nagawa ng Kongreso sa loob ng halos 40 taon.

Nagbabala si dating Comelec Commissioner Luie Guia laban sa mga panukalang “cosmetic” o pampaganda lang.

Binatikos ng mga kritiko ang bersyon nina Speaker Faustino Dy III at Rep. Sandro Marcos dahil maaari pa rin umanong payagan ang magkakamag-anak na humawak ng pwesto basta’t nasa magkaibang “cluster” o antas ng gobyerno.

Ayon kay Rep. Perci Cendaña ng Akbayan, ang mga political dynasty ang itinuturing na “common denominator” o ugat ng korapsyon sa Pilipinas, kaya panahon na upang wakasan ito.

Habang umuusad ang usapin sa Kamara, nahalal naman si Sen. Risa Hontiveros bilang bagong chairperson ng Senate Committee on Electoral Reforms.

Siya ang mamumuno sa pagtalakay ng mga katulad na panukala sa Senado matapos magbitiw sa pwesto si Sen. Panfilo Lacson. | via Jolina Oblea, D8TV News Intern

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *