Hindi uusad sa Kamara ang anumang impeachment complaint na ihahain ng private individuals, kung wala itong pormal na endorsement mula sa kahit isang miyembro ng House of Representatives.
Ito ang paglilinaw ni House Committee on Justice Chairperson at Batangas rep. Gerville “Jinky” Luistro, kasunod ng mga usapin kaugnay ng iba’t ibang impeachment complaints laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Luistro, katulad ng ibang panukalang batas, kinakailangan ng sponsorship ng isang mambabatas bago ito maipadala sa Office of the Speaker.
Ipinaliwanag ni Luistro na sa ngayon ay wala pa silang opisyal na kopya ng alinmang reklamo ngunit binigyang-diin niyang malinaw sa mga patakaran na ang impeachment complaint na inihain ng pribadong indibidwal ay dapat suportado ng isang House member, pirmado, at beripikado.
Ipinunto rin ng mambabatas na may dalawang paraan ng paghahain ng impeachment complaint. Una, ang reklamo ng pribadong indibidwal na may endorsement ng isang mambabatas, o direktang inihain ng mismong miyembro ng Kamara.
Ikalawa, ang reklamong pirmado at beripikado ng hindi bababa sa isang-katlo ng lahat ng miyembro ng House of Representatives. | via Judea Bernardo, D8TV News
