5 baril ni Atong Ang, isinuko na; kinaroroonan ng gambling lord, tinutukoy pa rin

Boluntaryong isinuko ng kampo ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang, ang kanyang limang baril sa Mandaluyong Police Station nitong Miyerkules, January 21.

Isinuko sa pamamagitan ng abogado ni Ang ang isang Colt rifle na 5.56 caliber, Glock 9mm, Sig Sauer 9mm, Smith and Wesson .38 caliber revolver, at isang 9mm pistol.

Tinanggap ito ni Police Captain Danilo Monserrat Jr. ang sub-station commander ng Mandaluyong Police Station.

Hindi kasama sa mga isinukong baril ni Ang ang isa pang lisensyadong baril.

Isa itong 260 caliber rifle na nawala umano noong October 2025.

Una nang ni-revoke ng Philippine National Police (PNP) ang license to own and possess firearms ni Ang na tinuturong mastermind sa pagkawala ng humigit kumulang isandaang sabungero mula pa noong 2021.

Bagama’t naisuko na ang lima sa anim na baril ni Ang, kinokonsidera pa rin itong armed and dangerous.

“Of course, he earned P1 billion a day. E ang dali kumuha ng firearms kahit saan ‘di ba may mga loosefirearms,” ani DILG Secretary Jonvic Remulla.

Ayon pa sa kalihim, maaaring nakalabas na ng bansa si Ang at dumaan sa backdoor papuntang Cambodia kung saan may operasyon ito doon na online sabong.

“According to the reports, mayroon na siyang operations ng online sabong doon sa Cambodia. So, baka naka-set up siya ng network doon. Kasi tanda mo lahat ng mga POGO lumipat sa Manila to Cambodia, Cambodia, Thailand border. So, baka nag-exodus papunta doon. Nag-settle na rin ng sariling operations ‘yan,” sabi pa ni Remulla.

Gumagawa na rin umano sila ng hakbang para kansela ang kanyang pasaporte at mai-request sa Cambodia na ibalik sa Pilipinas si Ang.

“I think it is the matter for the president kasi chairman siya ng ASEAN, siya may access direct leadership talks. So we will turn it to the president and we will see what he decides to do,” ayon kay Remulla.

“We will wait for the president’s instructions kung anong gagawin kasi international relations ito. It’s not for me to say kung anong gagawin ng presidente,” dagdag pa niya.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang paggalugad ng mga otoridad sa mga ari-arian ni Ang sa buong bansa. | via Allen Ibañez

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *