Mas mahal ngayong dumaan sa North Luzon Expressway (NLEX) matapos aprubahan ang ikalawa at huling bahagi ng toll rate adjustment na dapat sana’y ipinatupad pa noong 2023.
Sa buong biyahe mula Balintawak, Quezon City hanggang Mabalacat, Pampanga, may dagdag-bayad na P24 para sa Class 1 vehicles o mga kotse at SUV; P60 sa Class 2 vehicles o mga bus at maliliit na truck; at P72 para sa Class 3 vehicles o malalaking truck.
Ayon sa NLEx Corp., kailangan ang periodic adjustments para mapanatili ang ligtas, maayos, at de-kalidad na serbisyo ng expressway.
Para hindi masyadong makaapekto sa inflation at presyo ng pagkain, ipagpapatuloy ang toll rebate para sa mga sasakyang nagdadala ng produktong agrikultural na accredited ng Department of Agriculture.
Mula 2022 hanggang 2025, nagsagawa ang NLEx ng iba’t ibang improvement projects tulad ng pagpapalawak ng Subic Freeport Expressway, Candaba third viaduct, road raising sa San Simon, at iba pang upgrade sa exits, ilaw, at mga tulay.
