Hindi bababa sa 39 ang patay matapos magsalpukan ang dalawang high-speed train sa Andalusia, Spain.
Ayon sa Philippine Embassy sa Madrid, kasalukuyan silang nakikipag-ugnayan sa mga otoridad upang alamin kung may mga Pilipinong nadamay sa insidente.
Batay sa advisory ng embahada, nadiskaril ang ilang bagon ng tren na papuntang Madrid, tumawid sa kabilang riles, at bumangga sa kasalubong na tren sa bayan ng Adamuz, malapit sa Córdoba, nitong Enero 18.
Tinatayang mahigit 400 pasahero at railway staff ang sakay ng dalawang tren nang mangyari ang banggaan.
Agad namang rumesponde ang mga emergency services, habang pansamantalang sinuspinde ang lahat ng biyahe ng tren sa pagitan ng Madrid at Andalusia.
Nagpaabot na ng taos-pusong pakikiramay ang pamahalaan, sa pamamagitan ng embahada, sa mga biktima ng trahedya at ng kanilang pamilya. | via Ghazi Sarip
