Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na posibleng magkaroon ng lahar flow sa paligid ng Mayon Volcano sa Albay dahil sa inaasahang malakas hanggang matinding pag-ulan dala ng Tropical Storm Ada.
Ayon sa advisory ng PHIVOLCS, ang ulan mula sa bagyo ay maaaring magdulot ng volcanic sediment flows o lahars, mabuhanging daloy sa ilog, at matinding agos ng putik sa mga drainage system sa paligid ng bulkan.
Paliwanag ng ahensya, ang malakas hanggang matinding pag-ulan ay maaaring makabuo ng syn-erruption lahars sa major channels na dumadaloy mula timog hanggang silangang bahagi ng Mayon Volcano.
Ang mga nabanggit na Pyroclastic Density Current (PDC) deposits ay matatagpuan sa Mi-isi, Bonga, at Basud Gullies, at posibleng magbigay ng mainit na lahar sa Binaan Channels sa mga sumusunod na lugar:
– Daraga, Albay
– Barangay Mabinit, Bonga, Matanag, Buyuan, at Padang sa Legazpi City
– Barangay Lidong at Basud Rivers sa Sto. Domingo
Paliwanag pa ng PHIVOLCS, ang mga lahar mula sa Mayon ay maaaring magdulot magdulot ng pagbaha, pagdausdos ng malalaking bato, at pagguho na maaaring umabot hanggang sa dagat sa silangang bahagi ng bulkan.
Mariing pinayuhan ng PHIVOLCS ang mga komunidad at lokal na pamahalaan na patuloy na i-monitor ang lagay ng panahon at magsagawa ng mga pre-emptive measures upang matiyak ang kaligtasan sa epekto ng Bagyong Ada. | via Judea Bernardo
