Itinuturing na ngayong Philippines’ Most Wanted ang negosyanteng si Charlie Atong Ang, ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla.
Armed and dangerous umano si Ang na inakusahang mastermind sa pagpatay ng tinatayang 100 sabungero.
Nag-alok na rin ang DILG ng P10 milyong pabuya sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ni Ang na hahantong sa kanyang pagkaaresto.
Naniniwala naman ang Department of Justice (DOJ) na nanatili pa rin sa bansa si Ang dahil walang impormasyon sa mga ahensiya ng gobyerno na nakalabas na ito ng bansa.
Ganunpaman, humiling na rin ng red notice ang Philippine National Police sa Interpol sakaling matagpuan ito sa Interpol-member countries.
Ayon sa DOJ, kahit itinuturing na pugante si Ang, may karapatan pa rin umano ito.
Ang payo ng mga otoridad, ang pinakamainam umanong dapat gawin ni Ang kung wala talaga siyang kasalanan ay sumuko na sa pinakamalapit na ahensiya ng batas.
