Razon, itinangging may kaugnayan sya sa korapsyon sa kongreso; naghain ng cyber libel laban kay Rep. Barzaga

Mariing itinanggi ng business tycoon na si Enrique Razon Jr. ang anumang papel niya sa labanan para sa liderato ng Kongreso at sinabi niyang wala siyang kakayahang impluwensiyahan ang boto ng mga mambabatas.

Ito ay kasunod ng paghahain ni Razon ng dalawang bilang ng cyber libel laban kay Cavite 4th District Representative Francisco Barzaga sa Makati prosecutor’s office.

Si Razon, chairman ng International Container Terminal Services Inc. at ng Bloomberry Resorts Corporation ay iniuugnay ni Barzaga sa umano’y korapsyon sa Kongreso at panunuhol sa mga miyembro ng National Unity Party upang masuportahan ang muling pagkahalal ni dating House Speaker Martin Romualdez noong nakaraang midterm elections.

Mariing itinanggi ni Razon ang paratang na siya umano ang “mastermind behind the corruption in Congress,” at sinabing walang katotohanan at nakasisira sa kanyang reputasyon ang mga alegasyon.

Ayon kay Razon, nanalo si Romualdez bilang speaker noong 2025 nang walang kalaban at may supermajority ng boto, kaya’t hindi umano kinakailangan ang anumang panunuhol.

Dahil sa umano’y pinsala sa kanyang reputasyon at dinanas na emotional distress, humihingi si Razon ng hindi bababa sa 100 million pesos moral damages at 10 million pesos exemplary damages laban kay Barzaga.

Samantala, binura ni Barzaga ang social media post na naglalaman ng naturang alegasyon noong Enero 9. | via Judea Bernardo

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *