Inakusahan ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson si dating Department of Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan na umano’y sadyang nagsumite ng maling grid coordinates ng mga flood control projects sa Malacañang upang mailigaw ang imbestigasyon.
Ayon kay Lacson, na siyang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, ang datos na ito ang ginamit para sa Sumbong sa Pangulo website.
Dagdag pa ni Lacson, malinaw umano ang pagtatangkang pagtatakip ni Bonoan at inakusahan pa niya itong niloloko ang Pangulo.
Sinabi ni Lacson na dahil sa maling datos, hindi naging tumpak ang impormasyon hinggil sa 421 na umano’y ghost flood control projects.
Ayon sa kanya, mas mababa sana ang bilang ng mga ghost project kung tama ang isinumiteng coordinates.
Paliwanag pa niya, kasalukuyang sinusubukan ng DPWH na itama ang datos sa pamamagitan ng paghahambing ng multi-year planning at scheduling ng mga proyekto.
Dahil dito, sinabi ni Lacson na naapektuhan rin ang kredibilidad ng Sumbong sa Pangulo website.
Maglalabas ng subpoena ang Blue Ribbon Committee sa Lunes upang pilitin si Bonoan na humarap sa pagdinig.
Kapag hindi ito dumalo, maaari siyang i-cite in contempt at maglalabas ng warrant of arrest ang Senado.
Ayon kay Lacson, ganito rin ang magiging proseso para sa dating kongresista na si Zaldy Co kung patuloy itong tatangging humarap sa imbestigasyon. | via Judea Bernardo
