Kinumpirma ng World Meteorological Organization o WMO na ang taong 2025 ay kabilang sa tatlong pinakamainit na taon na naitala sa kasaysayan ng mundo.
Ayon sa WMO, anim sa walong global climate datasets na kanilang pinagsama-sama ang nag-ranggo sa 2025 bilang ikatlong pinakamainit na taon habang dalawa naman ang nagsabing ito ang ikalawang pinakamainit sa loob ng 176 years sa talaan ng temperatura.
Kabilang sa mga dataset na ginamit ang mula sa European Centre for Medium-Range Weather Forecasts o ECMWF ng European Union, at ng British national weather service.
Kinumpirma rin ng US National Oceanic and Atmospheric Administration na ang 2025 ang ikatlong pinakamainit na taon sa kanilang global temperature record na nagsimula pa noong 1850.
Dagdag ng ECMWF, ang 2025 ang nagtapos sa kauna-unahang tatlong magkakasunod na taon kung saan ang average global temperature ay lumampas na sa 1.5 degrees Celsius kumpara sa pre-industrial era, ang antas na itinuturing ng mga scientist bilang kritikal dahil sa posibleng malala at hindi na maibabalik na epekto ng climate change.
Inaasahan din ng ECMWF na ang taong 2026 ay mapapabilang sa limang pinakamainit na taon sa kasaysayan ng mundo. | via Judea Bernardo
