Nilinaw ng Malacañang na hindi dapat ikonekta ang isyu ng mga umano’y maanomalyang flood control projects sa planong paghain ng panibagong impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Atty. Claire Castro, magkaiba at hindi magkaugnay ang mga isyung kinahaharap ng Bise Presidente at ang imbestigasyon sa katiwalian sa flood control projects.
Dagdag pa ng Palace official, mahalagang manatiling malinaw at hiwalay ang mga proseso upang hindi mahaluan ng pulitika ang pagpapatupad ng batas at ang paghahanap ng pananagutan.
Ito ay kaugnay ng pahayag ni Navotas City Representative Toby Tiangco na hindi umano siya pipirma sa impeachment complaint laban sa Bise Presidente kung hanggang February 6 ay wala pang nahuhuling tinaguriang “big fish” sa imbestigasyon sa flood control projects.
Binanggit din ni Tiangco na kung hindi pa umano naibabalik si Zaldy Co sa bansa at walang umuusad na malinaw na kaso, hindi siya makikiisa sa impeachment move. | via Judea Bernardo
