Dumating sa National Bureau of Investigation o NBI nitong Martes, January 13 si Palace Press Officer at Presidential Communications Office Usec. Claire Castro upang i-report ang umano’y mga death threat laban sa kanya na ipinost sa Facebook.
Ayon kay Castro, nagmula ang mga post sa isang account na gumagamit ng pangalang Luminous by Trixie Cruz-Angeles at Amet Paglinawan.
Aniya, may laman ang mga pahayag na nagpapahiwatig ng malinaw na banta sa kanyang buhay.
Paliwanag ni Castro, minabuti niyang i-record ang insidente upang may opisyal na dokumentasyon sakaling may mangyaring masama sa kanya.
Dagdag pa niya, personal lamang niyang kilala si Trixie Cruz-Angeles at hindi si Amet Paglinawan, bagama’t napansin niyang parehong pangalan ang ginagamit sa naturang Facebook account.
Inamin din ni Castro na nakapagdulot ng takot sa kanya ang naturang post, lalo’t hindi umano siya sanay na makatanggap ng ganitong uri ng pagbabanta.
Giit pa ng opisyal, may hangganan ang freedom of expression at hindi ito dapat nauuwi sa karahasan o pananakot.
Sa ngayon, wala pa umanong desisyon si Castro kung magsasampa ito ng pormal na reklamo laban sa mga nasa likod ng naturang post.
Ayon naman kay NBI spokesperson Palmer Mallari, tama ang hakbang ni Castro na ipa-blotter ang insidente dahil magsisilbi itong reference point ng mga awtoridad kung sakaling matuloy o magkatotoo ang banta. | via Judea Bernardo
