Mas maraming volunteer, dagdag na pwersa ng pulis, at mas maayos na datos, ilan lamang yan sa mga planong ipatupad matapos ang record-breaking na Traslacion.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Maj. Gen. Anthony Aberin, magdadagdag ng volunteers at tactical units ang pulisya sa mga susunod na Traslacion upang mapabilis ang daloy ng prusisyon.
Maiiwasan din daw ang matagal na pag-andar ng andas ng imahen ng Poong Hesus Nazareno, tulad ng nangyaring halos 10 oras na pagkaka-ipit sa Arlegui Street matapos masira ang mga lubid at unahang gulong nito.
Ayon naman kay Nazareno 2026 Spokesman Fr. Robert Arellano, isang “major decision” ang anumang pagbabago sa susunod na Traslacion at kailangang suportado ng malinaw na datos.
May koordinasyon din daw dapat sa local at national government agencies tungkol sa mga pagbabago.
Umabot ng 30 hours and 49 minutes ang prusisyon sa 5.8-kilometer na ruta, na lagpas sa mga naunang record noong 2017 hanggang 2025.
Ngayong taon, tinatayang mahigit 9.6 milyon na deboto ang lumahok sa pista, ayon sa simbahan.
Inamin naman ng pulisya na naging hamon ang dami ng debotong nais makalapit sa imahen pero naging mapayapa naman ang prusisyon. | via Ghazi Sarip
