Binuksan nang muli ang dedicated inner bus lane sa northbound at southbound matapos makumpleto ang asphalt overlay bilang bahagi ng EDSA Rehabilitation Project mula Roxas Boulevard hanggang Orense.
Ayon kay DOTr Acting Secretary Giovanni Lopez, sakto ang pagbubukas ng busway dahil balik-eskuwela at balik-trabaho na ang karamihan, kaya mas tuloy-tuloy na ang mabilis at komportableng biyahe ng mga pasahero.
Sabi ng DOTr, ramdam agad ng mga motorista at commuter nitong Lunes ng umaga ang mas “smooth na biyahe” at mas “mabilis na travel time” sa EDSA.
Pero mariing paalala nila bawal pa rin ang mga pribadong sasakyan sa EDSA Busway.
Nakaantabay ang Special Action and Intelligence Committee for Transportation para manghuli habang tuloy-tuloy ang No Contact Apprehension Policy ng MMDA.
Ang P6-bilyong EDSA rehabilitation na sinimulan noong December 24 ay inaasahang matatapos sa loob ng walong buwan habang magpapatuloy ang pag-aayos sa iba pang bahagi ng EDSA tuwing alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.
