Sisimulan ng DPWH ang rehabilitasyon ng EDSA ngayong Miyerkules, December 24, kasabay ng holiday break kung kailan mas kaunti ang mga dumaraang motorista.
Matatandaang pansamantalang itinigil ni President Bongbong Marcos ang proyekto noong Hunyo upang iwasan ang matinding trapiko.
Ayon kay Public Works Secretary Vince Dizon, 24/7 ang isasagawang repair simula December 24, alas-11 ng gabi hanggang January 5, 2026 ng alas-4 ng madaling-araw.
Kabilang sa rehabilitasyon ang concrete reblocking sa piling bahagi ng EDSA at asphalt overlay sa mga busway lane.
Ang phase 1 ng rehabilitasyon ay sisimulan ngayong gabi, December 24, hanggang 27, mula Roxas boulevard hanggang Orense Street, habang ang phase 2 naman ay mula Orense hanggang Bonifacio Monument.
Nilinaw ni Dizon na nasa ₱6 bilyon lamang ang pondo ng kasalukuyang EDSA rehab, malayo sa ₱17 bilyon na orihinal na plano noong nakaraang administrasyon.
