Ligtas Christmas 2025, pinaigting ng DOH

Ngayong holiday season, sa gitna ng kabi-kabilaang handaan at inuman, pinag-iingat ng Philippine Heart Center ang publiko.

Ayon sa PHC, sa ganitong panahon umaakyat ang bilang ng tinatamaan ng sakit sa puso o kung tawagin nila ay holiday heart syndrome.

Ang holiday heart syndrome ay isang kondisyon dulot ng labis na pag-inom at walang sapat na tulog, tapos kinabukasan ay papasok sa trabaho.

Payo ni Executive Director Dr. Avenilo Aventura, alagaan ang ating mga sarili sa pamamagitan ng disiplinadong pagkain at sapat na ehersisyo.

Batay sa datos ng Heart Center ngayong 2025, nakakapagtala sila ng nasa 40 kaso ng stroke kada buwan.

Bilang tugon, nagtalaga sila ng Acute Stroke Unit at Holiday Stroke Protocol.

Kanina rin ay nag-ikot-ikot si Department of Health Secretary Ted Herbosa (DOH) sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) at Heart Center para tiyakin ang kahandaan ng mga ospital ngayong holiday season.

Ito ay bilang bahagi ng kampanyang Ligtas Christmas 2025 ng ahensya.

Layon nito na matiyak ang kahandaan ng ospital sa mga emergency medical service sa mga sakit gaya ng iba’t ibang sakit sa puso, mga aksidente sa daan at fireworks-related injuries.

437 na umano ang naitatalang namatay ngayong taon dahil sa stroke, heart attack at asthma.

Samantala, nakataas ang Code White Alert sa lahat ng pampublikong ospital sa bansa simula kahapon, December 21, na magtatagal hanggang sa January 2026.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *