Inaasahang bababa ang presyo ng mga produktong petrolyo sa darating na Kapaskuhan, ayon sa Department of Energy–Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB).
Ayon kay Assistant Director Rodela Romero, maaaring bumaba ang presyo ng gasolina ng P1.20, diesel ng P1.70, at kerosene ng P1.75 kada litro.
Ani Romero, ang pagbaba ay dulot ng mataas na supply at mababang demand, na mas nangingibabaw kaysa sa pansamantalang epekto ng mga geopolitical na tensyon.
Bukod dito, may pag-asa rin sa posibleng kasunduan sa kapayapaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Ipinaliwanag ng opisyal na ang projection ay base sa apat na araw ng kalakalan sa Mean of Platts Singapore (MOPS) at maaaring magbago habang nagpapatuloy ang trading.
Ang mga opisyal na adjustments ng presyo ay ina-anunsyo ng mga kumpanya ng langis tuwing Lunes at ipatutupad sa sumunod na araw. | via Allan Ortega
