Itinuturing nang person of interest ng Philippine National Police (PNP) ang driver ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Usec. Ma. Catalina Cabral.
Ito ay matapos ang pagpanaw ng dating opisyal nang mahulog umano sa bangin sa Kennon Road, Benguet.
Ayon kay PNP Spokesperson Randulf Tuaño, labag umano sa human nature ang ginawang pag-iwan ng driver kay Cabral sa liblib na lugar nang walang anumang dalang gamit ngunit hindi pa naman ito ikinokonsiderang suspek.
Ayon sa salaysay ng driver, nagtungo siya sa kalapit na gasoline station dakong alas-3:00 ng hapon matapos magpaiwan ni Cabral sa pinangyarihan ng insidente.
Ilang beses umano niyang binalikan ang biktima ngunit hindi niya ito nakita.
Bandang alas-8:00 ng kagabi nang matagpuan si Cabral na walang malay sa gilid ng Bued River na may 20-30 metrong layo mula sa highway.
Samantala, sinabi ng PNP na tumanggi ang pamilya ng dating opisyal na isalalim sa autopsy ang kanyang labi.
