One-strike policy, mahigpit na ipapatupad vs. indiscriminate firing ng mga pulis

Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) na mahigpit nilang ipatutupad ang “one-strike policy” laban sa indiscriminate firing ngayong holiday season.

Ibig sabihin, isang huli lang may parusa agad, walang babala, para sa sinumang pulis na magpaputok ng baril nang walang dahilan.
Ayon kay acting PNP chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., layunin ng patakarang ito na pigilan ang iresponsableng paghawak ng baril at maiwasan ang aksidente, pinsala at pagkamatay, lalo na tuwing Pasko at Bagong Taon.

Para sa mga pulis na lalabag, posibleng kaharapin ang administrative sanctions gaya ng pagkatanggal sa serbisyo, pagkawala ng benepisyo, at habambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno.

Mananagot din ang mga unit commander kung pumalya sa pagdisiplina sa kanilang mga tauhan.

Sinumang pulis na masangkot ay agad na irerelyebo at isasailalim sa preventive suspension habang iniimbestigahan.

Giit ni Nartatez: “Hindi laruan ang baril at hindi simbolo ng kawalan ng disiplina.”

Mahigit isandaanglibong PNP personnel at force multipliers ang dineploy para sa seguridad ngayong kapaskuhan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *