UN treaty, tinitingnang gamitin para madakip si Zaldy Co

Bukas ang administrasyong Marcos sa paggamit ng United Nations Convention Against Corruption (UNCAC) upang matunton at maaresto ang tumakas na dating mambabatas na si Zaldy Co.

Nahaharap si Co sa mga kasong katiwalian at paglustay ng pondo kaugnay ng mga kuwestiyonableng flood control projects.

Iminungkahi ni Senator Panfilo Lacson ang paggamit sa UNCAC dahil mas magiging madali umano ang paghahanap at pag-aresto kay Co kung hihingi ng tulong sa 191 bansang lumagda sa kasunduan.

Ayon sa Article 38 ng UNCAC na niratipika ng Senado noong 2006, obligado ang mga kasaping bansa na magtulungan sa imbestigasyon at prosekusyon ng mga krimen.
Pero sabi ng DFA, nakadepende ang pagiging epektibo UNCAC sa mga batas at patakaran ng bansang hihingan ng tulong.

Ayon sa Department of Justice, wala pang aktibong koordinasyon sa UN kaugnay ng UNCAC sa ngayon. Pinaniniwalaang nasa Portugal si Zaldy Co. | via Allan Ortega

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *