Nagkakaisa ang mga mambabatas mula sa Metro Manila at Mindanao kabuuang 97 kongresista sa pagbibigay ng buong suporta kay House Speaker Faustino “Bojie” Dy III, na nakikita nilang mahalaga para maibalik ang integridad, katatagan, at tiwala ng publiko sa Mababang Kapulungan.
Sa isang news release nitong Huwebes, sinabi ng 30 sa 33 Metro Manila district reps at 67 miyembro ng Mindanao bloc na pinangungunahan ni Senior Deputy Speaker Ferdinand Hernandez na suportado nila ang principled at kalmadong pamumuno ni Dy at ang pagtulak niya sa mga reporma.
Ito na ang pinakamalakas na sabayang pahayag ng suporta mula sa dalawang rehiyon na kumakatawan sa political capital ng bansa at sa pangalawang pinakamalaking isla.
Nauna nang naglabas ng manifesto ang 39-member Northern Luzon Alliance, sa pangunguna nina House Majority Leader Sandro Marcos at mga Deputy Speaker Kristine Singson-Meehan at Francisco Paolo Ortega V, na nagsasabing may “unequivocal support” sila para kay Dy dahil sa kanyang leadership at karakter.
Sumunod dito, 44 miyembro ng Party-list Coalition Foundation Inc. ang muling nagpatibay ng kanilang suporta sa gitna ng mga usap-usapang posibleng palit-liderato sa Kamara.
Sa liham ng Metro Manila bloc noong Nov. 24, pinuri nila kung paano pinakalma ni Dy ang Kamara sa gitna ng negatibong tingin ng publiko dahil sa isyu ng korapsyon sa flood control projects.
Pinuri rin nila ang pagtutulak niya sa Independent Commission Against Infrastructure Corruption at ang suporta sa Anti-Dynasty Bill, kahit makakaapekto pa ito sa sariling pamilya niya.
Sa hiwalay na manifesto, sinabi ng Mindanao bloc na “firm, united at unwavering” ang kanilang suporta kay Dy.
Giit nila, sa gitna ng political divisions, economic uncertainty, at bumababang tiwala sa institusyon, kailangan ng Kamara ng lider na may stability, continuity at respeto sa rule of law.
Binigyang-diin nila ang integrity, transparency at fairness na ipinapakita ni Dy sa pamumuno ng institusyon. | via Allan Ortega
