Sinibak na sa pwesto ang 70 miyembro ng Police Regional Mobile Force Battalion 14B kabilang ang 12 pulis na direktang sangkot sa hazing sa mga bagong talagang pulis sa Lamitan City, Basilan.
Kita sa viral video na ito sa social media ang mga pasang natamo ng mga bagong recruit na pulis na kaka-graduate lang sa basic internal security training ng Regional Mobile Force Battalion-14B sa Lamitan City, Basilan.
Nangyari ang insidente nitong Pebrero 6 kung saan tumanggap ang 129 na bagong pulis nang pangmamaltrato sa kanilang reception rites.
Ayon kay PNP Spokesman Brig. Gen. Randulf Tuaño, inalis na sa pwesto ang 12 non-commissioned officers na direktang sangkot sa isinagawang hazing rites sa mga bagong talagang pulis.
Sa kabuuan, pitumpung pulis mula sa naturang unit ang sinibak sa pwesto habang gumugulong ang imbestigasyon.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Regional Police Holding and Accounting Section sa Parang, Maguindanao del Norte ang mga pulis habang nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon. | via Allen Ibañez
