Nadagdagan pa ang bilang ng mga pulis na kinasuhan na sangkot dahil sa pangmamaltrato sa mga bagong pulis.
Ito ay isang linggo matapos ang hazing ng nasa 129 na bagong talagang pulis sa Police Regional Mobile Force ng Battallion 14B sa Lamitan City, Basilan.
Ayon kay PNP Spokesman, Brig. Gen. Randulf Tuaño, umakyat na sa 57 ang mga nakasuhan kung saan 24 dito ang unaccounted pa.
Ang tatlong nadagdag ay may ranggong patrolman na sinampahan ng kasong paglabag sa RA 11053 o anti hazing act of 2018 dahil sa pagpaplano, partisipasyon at pagiging physically present ng mangyare ang pagsasagawa ng hazing.
Saad pa ni Tuaño, binibigyan nila ng pagkakataon na mag-report sa kanila ang nasa 24 na unaccounted pa na mga sangkot na pulis bago sila maituring na Absent without Official Leave o AWOL.
Matatandaan na aabot sa 77 na personnel ng pulisya ang sinibak sa Regional Mobile Force Battallion 14B dahil sa isinagawang “welcome rites” sa mga kabaro nitong pulis.
Iginiit naman ng Pambansang Pulisya na mahigpit nilang ipinatutupad ang zero tolerance policy sa anumang uri ng karahasan o hazing sa training at welcome rites ng mga bagong pulis sa PNP. | via Allen Ibañez
