5 weather system kabilang ang LPA, nakaaapekto sa Pilipinas

Limang weather systems kabilang ang isang low-pressure area (LPA) at ang northeast monsoon o Amihan ang magdadala ng maulap na kalangitan at kalat-kalat na pag-ulan sa bansa, ayon sa PAGASA nitong Martes.


Ayon sa PAGASA ang LPA ay nasa 275 kilometro silangan ng Pag-asa Island sa Kalayaan, Palawan.

Mababa umano ang tsansa nitong maging bagyo, pero kasama ito sa intertropical convergence zone (ITCZ) na nakakaapekto sa Palawan, Visayas, at Mindanao.


Magdadala ang ITCZ ng maulap na kalangitan na may mga kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat sa Negros Island Region, Central at Eastern Visayas, at Dinagat Islands.

Ang natitirang bahagi ng Visayas at Mindanao ay makararanas din ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may mga panandaliang ulan.


Sa Batanes, ang amihan ang magdudulot ng mga pag-ulan, habang sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon, ang easterlies naman ang magiging sanhi ng mga pulu-pulong ulan at pagkulog.


Nitong Lunes, opisyal nang idineklara ng PAGASA ang pagsisimula ng amihan season, hudyat ng malamig at tuyong mga buwan sa bansa.


Sa extreme northern Luzon, asahan ang katamtaman hanggang malalakas na hangin at maalon na dagat, samantalang banayad hanggang katamtaman naman ang hangin at alon sa ibang panig ng bansa. | via Allan Ortega

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *