Nabulag ang kanang mata ng isang limang-taong gulang na batang lalaki sa Iloilo matapos tamaan ng boga sa mukha.
Ayon sa Passi City police, nangyari ang insidente habang naglalaro ang biktima kasama ang kanyang nakatatandang kapatid at isang kalaro.
Sa ngayon, ginagamot na ang bata sa isang ospital sa Iloilo at nangangailangan ng donor ng mata.
Samantala, nakapagtala na ng 7 biktima ng paputok ang Department of Health (DOH) bago pa man ang pagsalubong ng Bagong Taon.
Batay sa datos ng DOH, apat sa mga biktima ay nasa edad labing-siyam pababa.
Ang naturang bilang ay nanggaling sa mga ospital na binabantayan ng DOH mula December 21 hanggang 23.
Mas mababa ito kumpara sa naitalang dalawampu’t walong kaso sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Dagdag pa ng ahensya, pinakamarami ang nasugatan dulot ng paputok ng boga at 5-star.
Payo ng DOH sa publiko, sakaling may maaksidente dahil sa paputok, agad na dalhin sa pinakamalapit na ospital ang biktima o tumawag agad sa 911 para sa agarang medical assistance. | via Alegria Galimba
