Ibinunyag ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na apat na senador ang nakatanggap umano ng campaign donations mula sa mga kontratista sa nagdaang 2025 midterm elections.
Ayon kay Garcia, may kabuuang 21 kontratista ang natukoy na nagbigay ng donasyon sa pitong kandidato noong panahon ng kampanya kung saan apat sa kanila ay tumakbo bilang senador, habang dalawa naman ay mula sa mga party-list organization.
Nauna nang iniulat ng Comelec na sinimulan na nito ang imbestigasyon sa mga Statement of Contributions and Expenditures (SOCEs) ng mga kandidatong lumahok sa halalan noong May 2025.
Ito ay patuloy na iimbestigahan habang hinihintay ng Comelec ang sertipikasyon mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na tinutukoy kung ang 55 contractor na umano’y nag-donate sa mga kandidato noong 2022 elections ay mga government contractor.
Batay sa Omnibus Election Code, mahigpit na ipinagbabawal sa mga government contractor ang magbigay ng kontribusyon sa mga kandidato tuwing eleksyon. | via Alegria Galimba
