Maaaring pag-aralan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang panukalang apat na araw na workweek bilang hakbang sa pagtitipid ng enerhiya.
Ayon sa Malacañang, posibleng ikonsidera ito lalo na kung lalala pa ang tensyon sa pagitan ng Israel at Iran. Sa ngayon, hindi pa umano ito pormal na napag-uusapan.
Nauna nang iminungkahi ni Senador Sherwin Gatchalian ang four-day workweek na may isang araw na work-from-home para maibsan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis.
Matatandaan, inatasan na ng Pangulo ang lahat ng ahensya ng gobyerno na magpatupad ng mga paraan para makatipid sa enerhiya. Panawagan din niya sa publiko na maghanap ng paraan para mabawasan ang paggamit ng kuryente at iba pang pinagkukunan ng enerhiya.
