Magkakaroon ng pondo ang 328 mahihirap na barangay sa bansa para sa pagtatayo ng Child Development Centers (CDCs), ayon sa bagong nilagdaang kasunduan ng gobyerno.
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpirma sa joint circular ng Department of Budget and Management (DBM) at Department of Education (DepEd) sa Malacañang nitong Huwebes.
Ang mga CDC ay popondohan mula sa Local Government Support Fund-Financial Assistance to LGUs para matulungan ang mga bata sa kanilang maagang edukasyon at pangangalaga.
Ayon kay Marcos, ang pondong ito ay ipapamahagi ngayong taon: 89 barangay sa Luzon, 106 sa Visayas, at 133 sa Mindanao, kasama ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Sa kabila ng batas na nag-aatas ng CDCs sa bawat barangay, nasa 3,800 barangay pa rin ang wala nito. Sinabi ni Marcos na hindi dapat ipagpaliban ang pagsisimula ng programang ito para matulungan ang mga bata sa kanilang pag-unlad.
Hinikayat niya ang mga LGU at magulang na aktibong makilahok sa proyekto at tiyakin ang maayos na pagpapatupad nito.
Bago ang pirmahan, nagkaroon din si Marcos ng storytelling session sa mga batang may edad tatlo hanggang lima, na aniya’y nagbigay ng bagong sigla sa Malacañang. | via Allan Ortega | Photo via
#D8TVNews #D8TV