Nagbukas ng mga floodgate ang Angat, Ipo, at Magat Dams sa Luzon nitong Martes para magpakawala ng tubig dulot ng malakas na ulan mula sa Bagyong Ramil, ayon sa PAGASA.
Ayon kay Hydrologist Jason Bausa ng ahensya, dalawang gate ng Angat Dam ang binuksan bandang alas-8 ng umaga, na naglabas ng 226 cubic meters per second ng tubig. Ang dam na matatagpuan sa Norzagaray, Bulacan, na nagsusuplay ng halos 90% ng tubig sa Metro Manila, ay may water level na 209.31 meters, bahagyang mababa sa normal na 210 meters.
Samantala, dalawang gate din ng Ipo Dam sa parehong bayan ang binuksan, na naglabas ng 120.60 cubic meters per second ng tubig. May water level itong 100.79 meters, mas mababa ng 0.31m sa normal na antas.
Sa hilagang Luzon naman, isang gate ng Magat Dam sa hangganan ng Isabela at Ifugao ang binuksan, na naglabas ng 275.61 cubic meters per second. May water level ito ngayon na 187.24 meters, mas mababa ng 5.76m sa normal na 193 meters.
Paliwanag ni Bausa, preventive measure ang pagbubukas ng mga floodgate para maiwasan ang pag-apaw, at isasara ang mga ito sa loob ng 24 oras kapag bumalik na sa normal ang lebel ng tubig. | via Allan Ortega
3 dam sa Luzon, nagpakawala ng tubig para maiwasan ang pag-apaw — PAGASA
